Sa ika-24 araw na bakbakan sa Marawi... 100 nabubulok na bangkay nagkalat

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 100 nabubulok na bangkay ang nagkalat sa Marawi City kaya’t pinangambahan ang pagkalat ng epidemya sa lungsod na nasa ika-24 araw na ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute terrorist group.

Sa report, sinabi ni Zia Alonto Adiong,  mula sa team ng rescue and relief operations ng lokal na pamahalaan  na nasa 100 mga bangkay ang nagkalat at hindi pa rin narerekober sa iba’t ibang panig ng lungsod.

Ayon naman kay Brig. Gen Restituto Padilla Jr., Spokesman ng AFP na  ang mga nagkalat na bangkay na hindi pa narekober ay pinaghalong mga terorista at mga sibil­yang naipit sa bakbakan.

Sinabi ng opisyal na sa kasalukuyan ay prayoridad muna ng tropa ng gobyerno na masagip ang nasa mahigit 1,000 hostages na naiipit pa sa bakbakan sa lugar.

 Nabatid pa sa opis­yal na lubhang delikado pa sa kasalukuyan ang retrieval operations dahilan sa mga snipers ng Maute na nasa mga gusali at ang iba naman ay mga nagtatago sa mga mosque ng mga Muslim.

Sa tala ng AFP, nasa 206 na ang napapaslang na Maute-ISIS terrorists, 58 sa panig ng pamahalaan at nasa 26 naman sa hanay ng mga sibilyan  o kabuuang 290 katao.

Show comments