Drug raid: P360-M shabu itinago sa tuyo

MANILA, Philippines - Tinatayang nasa P360-M halaga ng shabu ang nasamsam ng mga otoridad sa isinagawang drug raid sa isang bodega sa Martinville Subdivision, Brgy. Manuyo, Las Piñas City, kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat, bandang alas-8:50 hanggang alas -10:30  ng gabi nang isagawa ang  operasyon  ng pinagsanib na ele­mento ng PNP–Drug Enforcement Group)(PNP-DEG), Southern Police District at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Unit B, Block 3, Tiongquiao Street, B. F. Martinville Subdivision, Brgy. Manuyo.

Umaabot sa 72 balot ng metamphetamine hydrochloride o shabu na tumitimbang ng isang kilo bawat isa na nagkakahalaga ng P 360 M ang nadiskubreng nakasilid sa styrofoam boxes na  ang nasa ibabaw ng mga tuyo.

Sa ulat ni P/Sr. Supt. Graciano Mijares, Chief ng PNP –DEG, isinagawa ng mga operatiba ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte ng Maynila laban sa mga pinaghihinalaang big time drug trafficker na tinukoy lamang sa mga alyas na Mr. Lee, Johnny Sy, Jen, Jimmy, Luk, Pilay at Tanda na nakatakas matapos matunugan ang raid.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Drugs Act of 2002.

Isinailalim na sa inventory ang mga nakumpiskang bulto ng droga habang patuloy pa ang pagtugis sa mga suspek.

Hinikayat naman ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang Bureau of Customs (BOC) na higpitan ang pagi-inspeksyon sa mga kontrabando na ipinapasok sa bansa upang hindi makalusot  ang ‘shipment’ ng illegal na droga sa bansa.

Show comments