MANILA, Philippines - Kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day ay pinagbabaril ng mga hindi pa kilalang suspek ang pinto ng main office ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Maynila kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ni PO3 Ferdinand Leyva, Manila Police District -Station 5, naganap ang insidente dakong alas-4:15 ng madaling araw sa DOLE main building na matatagpuan sa Muralla Drive, panulukan ng General Luna St., Intramuros.
Sa salaysay ng nakatalagang security guard na si Ruel Artezuela, 33, sa information/reception desk, nang magulat sa sunud-sunod na putok ng baril kaya dumapa umano siya upang hindi matamaan.
Nang tumahimik na ang paligid ay saka lamang inireport sa kanyang mga kasamahan ang insidente at idinulog sa Intramuros Police Community Precinct (PCP).
Narekober ng mga pulis ang walong basyo ng bala mula sa kalibre 9 mm na baril at may mga tama ng bala ang main door.
Malaki ang hinala na may kaugnayan sa mga kilos protesta ang nasabing pamamaril sa tanggapan ng DOLE na posibleng pahiwatig na hindi pa nasisiyahan ang ilang grupo ng mga manggagawa sa mga hindi natutupad na pangako ng gobyerno.