Kidnaper nagkamali sa pagdukot, batang estudyante pinalaya

MANILA, Philippines -  Pinalaya ng tatlong kidnaper ang isang 11-anyos na batang lalaki na kanilang dinukot dahil sa pagkakamali ng bibiktimahin na naganap kamakalawa sa kahabaan ng Southcom Village, Zamboanga City.

Sa ulat, sinabi ni Supt. Rogelio Alabata, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, bago naganap ang pagdukot sa biktimang si Diesel Biyori, estud­yante ng Southcom Elementary School dakong alas-12:45 ng tanghali ay naglalakad nang biglang huminto ang isang van na sinasakyan ng tatlong armadong kidnaper at sunggaban ito at isinakay.

Habang bumibiyahe ay tinanong ng mga suspek kung ano ang trabaho ng ama ng bata na sinagot naman nitong patay na.

Isinunod namang tinanong ng mga suspek ang trabaho ng ina ng bata na sinabi nitong wala at nasa bahay lamang na nag-aalaga ng kaniyang mga kapatid.

Napailing ang mga kidnaper na sinabing nagkamali sila ng binihag at nagpaikot-ikot sa lungsod ang van at pagsapit sa kahabaan ng RT Lim Boulevard ay binuksan ang pintuan ng van at pinauwi ang biktima.

Naglakad ang biktima at pagsapit sa Camp Battala at isang concerned citizen ang nagbigay ng  P10 pamasahe dito pauwi  kung saan bandang alas- 9:00 na ng gabi ng makarating ito sa kanilang bahay.

Kasalukuyan nang nirerebyu ng mga awtoridad ang kopya ng CCTV upang matukoy ang van na ginamit sa pagdukot sa biktima upang maaresto ang mga kidnaper.

 

Show comments