MANILA, Philippines - Bagama’t hindi nadakip ang pakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ay aksidente naman ang pagkaaresto nila sa isang AWOL na pulis na nakunan nila ng shabu sa bahay ng pinasok na most wanted person sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Ang suspek ay kinilalang si PO1 Ernesto Borleo Jr.,dating nakadestino sa Regional Public Safety Battalion (RPSB).
Batay sa ulat,dakong alas-2:30 ng madaling araw nang isisilbi ng mga otoridad ang arrest warrant laban kay Alfred Balisisa sa kaniyang bahay ay nakatakas ito at ang nadatnan ay si Borleo.
Nang tanungin si Borleo kung bakit ito nandoon sa bahay ni Balisisa na isang drug supplier ay hindi nakasagot ang una at nagpakilalang pulis.
Hindi naman nakapagpakita ng identification card si Borleo at hindi rin masabi kung sino ang kaniyang hepe kaya kinapkapan at nakakuha sa bulsa niya ng isang plastic sachet na naglalaman ng 6 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P25,000.
Nang beripikahin ang status ni Borleo, nadiskubre na AWOL ito sa serbisyo noon pang nakalipas na taon.
Nasamsam sa bahay ni Balisisa ang isang kalibre 9 mm pistol, isang M1 U.S. Carbine caliber 30, na may serial number na 80368 at 3 magazine, 25 live ammunitions, isang Ingram machine pistol na may serial number 021579 at isang magazine, at 50 rounds ng live ammunition, isang jungle bolo, at 15 sachet ng shabu na aabot sa 75 gramo ang timbang sa tinatayang nagkakahalaga ng P1 milyon.
Kinasuhan si PO1 Borleo nang paglabag sa Sections 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.