MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang suporta niya sa chairmanship ng Pilipinas para sa ASEAN 2017.
“Mr. President will serve as the ASEAN chair this year and I am ready to fully support your chairmanship. Let us work hand-in-hand to address issues of SEA Nations,” wika pa ni Abe sa summit meeting nila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Aguinaldo State Dining Room sa Malacañang Palace.
Sinabi pa ni Abe, pinili niya ang Pilipinas bilang unang bansa na kanyang bibisatihin sa Asya upang ipakita ang kahalagahan ng bansa para lalong patatagin ang pagiging magkaibigan nito.
Nagpasalamat naman si Pangulong Duterte kay Abe dahil sa mga tulong nitong ipinagkaloob sa Pilipinas lalo sa oras ng kalamidad gayundin ang ibinibigay nitong Official Development Assistance (ODA).
Si Abe ay dumating kahapon para sa kanyang 2-araw na official visit sa Pilipinas.
Bandang alas-2:44 ng hapon nang lumapag ang Japan Airforce 001 na sinakyan ni Abe at kanyang delegasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan ay nilatagan ito ng red carpet reception sa Balagbag remote parking area.
Pinagkalooban din ng state banquet ni Pangulong Duterte si Abe kasama ang maybahay nitong si Akie Abe sa Rizal Hall ng Malacañang. Nagkaroon din ng joint statement sina Pangulong Duterte at Abe.
Bandang alas-8:00 kagabi ay umalis na din si Abe lulan ng Japan Airforce 001 patungo sa Davao City para sa ikalawang araw ng kanyang official visit.
Nakatakdang bisitahin ni PM Abe ang mismong bahay ni Pangulong Duterte sa Davao City at makikipagpulong ito sa business groups.