MANILA, Philippines – Inaresto ang isang bagitong pulis, ilang minuto bago ang pagpapasok ng taong 2017 dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa Tondo, Maynila.
Ang suspek na kinasuhan ng kriminal at administratibo ay kinilalang si PO1 Daniel Castillo, 26, residente ng Welfareville Compound, Mandaluyong City at nakatalaga sa Gagalangin-Police Community Precint (PCP) na sakop ng Manila Police District-Station 1.
Nabatid na alerto ang lahat ng istasyon ng pulisya sa kanilang nasasakupan dahil sa kautusan ni Philippine National Police Chief General Ronald “Bato” Dela Rosa? na hindi dapat magkaroon ng mabibiktima ng stray bullet at kailangang mas higpitan ang pagmonitor kaya habang nagpapatrulya sina PO1 Rommel Sulat at? PO1 Pius Owen Canlas sa kahabaan ng Benita St., Barangay 179, Gagalangin, Tondo nang makarinig sila ng magkakasunod na putok ng baril dakong alas-11:56 ng gabi.
Nang respondehan ng mga otoridad ay itinuro ng mga residente ang nagpaputok na si PO1 Castillo, na hawak pa ang ginamit na baril.
Sumama ng payapa si PO1 Castillo sa presinto at nakatakdang kasuhan sa iligal na pagpapaputok lalo nat nakasibilyan at nakainom pa ng alak.