10 lugar itinaas na sa signal number 1... Pre-emptive evacuation sa Camarines Sur, iba pa

Ito’y kasunod naman ng pagtataas ng PAGASA sa signal number 1 sa sampung lugar na nakaambang hagupitin ni Nina. Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region V, ipinagutos na ni Camarines Sur Governor  Miguel Luis Villafuerte ang pre-emptive evacuation sa mga pamilyang naninirahan sa mga flashflood at landslide prone area sa buong lalawigan. BOY SANTOS

MANILA, Philippines – Dahilan sa inaasahang delubyo sa pagtama ng bagyong Nina ngayong pasko (Disyembre 25), nagpatupad na kahapon ang lokal na pamahalaan ng ‘pre-emptive evacuation’ sa Camarines Sur at iba pang lugar sa Bicol Region.

Ito’y kasunod naman ng pagtataas ng PAGASA sa signal number 1 sa sampung lugar na nakaambang hagupitin ni Nina.

Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region V, ipinagutos na ni Camarines Sur Governor  Miguel Luis Villafuerte ang pre-emptive evacuation sa mga pamilyang naninirahan sa mga flashflood at landslide prone area sa buong lalawigan.

Alinsunod sa Me­morandum Circular No. 3 direktang inatasan ni Villafuerte ang mga mayor, Brgy. Captain at mga Municipal Disaster Risk Reduction Council (MDRRC) na ilikas ang mga residente na naninirahan sa mga peligrosong lugar hanggang alas-3 ng hapon nitong Sabado.

Nabatid na nasa libu-libong katao mula sa lalawigan ang apektado sa inaasahang pagtama rito ng bagyong Nina na lalo pang lumalakas habang patuloy ang pagkilos pakanluran sa hilagang bahagi ng bansa.

Kabilang sa mga ipinalilikas ay ang mga naninirahan sa malapit sa mga pampang ng ilog, tabing dagat, paanan ng mga bundok at maging ang mga bahay na gawa lamang sa mahihinang uri ng materyales.

Samantalang maging ang iba pang mga lalawigan sa Bicol Region na siyang inaasahang tatamaan ng bagyong Nina ay nagsimula na ring magsilikas.

Kaugnay nito, muli namang pinayuhan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Exe­cutive Director Ricardo Jalad ang mga residente sa mga maaapektuhang lugar na isagawa ang kaukulang pag-iingat at ang mga mangingisda maging ang mga maliliit na sasak­yang pandagat ay bawal munang maglayag.

Inihayag ng opisyal na nakahanda na ang kanilang mga disaster officials  na 24/7 na nakaalerto para sa pagtama ng bagyong Nina  na inaasahang magla-landfall sa kalupaan ng Catanduanes.

Samantalang ma­ging ang mga search and rescue team ng pulisya at militar ay inalerto na rin ng PNP at AFP para tumulong sa mga residente na maaaring maapektuhan sa paghagupit ng bagyo.

Sa ulat ng PAGASA, isinailalim na sa signal number 1 ang Camarines Norte, Camarines Sur,  Albay, Catanduanes, Sorsogon at Masbate kasama na ang Ticao, Burias Islands, Northern Samar at Eastern Samar.

Show comments