Nag-iinuman niratrat: 2 todas, 2 sugatan

Sinisiyasat ng SOCO Team ang dalawang bangkay ng lalaki na pinagbabaril habang nag-iinuman na kung saan ang dalawa pa nilang kasama ay malubhang nasugatan naganap sa kahabaan ng Riverside extension, Brgy.Commonwealth, Quezon City. Joven Cagande

MANILA, Philippines - Patay ang dalawang lalaki habang dalawa pa ang malubhang nasugatan nang sila ay pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek habang nag-iinuman kahapon ng madaling araw sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Rowel Manuel, 40; at Melchor Cielos Sr., 54; pawang mga residente sa Riverside Extension ng nasabing barangay.

Kritikal naman sa ospital sina Paul Paulin, 23; ng Riverside Brgy. Commonwealth QC; at John Patrick Frael, 24. ng Castillo St., ng nasabi ring barangay.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-12:10 ng madaling araw sa harap ng isang bahay sa kanilang lugar ay nag-iinuman  ang apat na biktima nang biglang sumulpot ang mga hindi pa nakikilalang salarin at walang kaabog-abog na pinagbabaril.

Nag-iwan ang mga suspek ng mga pla­card na may nakasulat na  “ Adik at Pusher kami huwag tularan”.

Narekober sa lugar ng pinangyarihan ang siyam na piraso ng basyo ng bala at limang tingga ng mga hindi pa batid ng kalibre ng baril.

Show comments