MANILA, Philippines – Nasawi ang dalawang bata makaraang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) na kanilang napulot kahapon malapit sa munisipyo ng Albarka, Basilan, kahapon.
Base sa ulat ng 104th Brigade ng Philippine Army, kinilala ang mga nasawing sina Hamodi Anali, 10, at Alkodri Anali, 8. Habang nasugatan sina Asalmodzri Anali, 15, at kapatid nitong si Albadal, 5.
Batay sa ulat, naglalaro ang mga biktima nang makakita sila ng bomba ng kanilang pinulot at makalipas lamang ang ilang saglit ay bigla itong sumabog.
Halos nagutay ang katawan ng dalawang nasawi at grabeng pagkasugat ng dalawang iba.
Paniwala ng militar, kagagawan ng teroristang Abu Sayyaf ang pag-iwan ng bomba sa lugar na target umano ang mga nagpapatrulyang sundalo.