MANILA, Philippines - Dahil umano’y maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagkakahalaga ng P10 milyon noong 2008 ay pinasisibak sa puwesto ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si Senador Emmanuel Joel Villanueva.
Napatunayang guilty umano si Villanueva sa kasong grave misconduct, serious dishonesty and conduct prejudicial to the interest of the service.
Bukod dito ay pinakakasuhan na ng Ombudsman si Villanueva sa Sandiganbayan ng dalawang counts ng paglabag sa Section 3(e) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019), isang count bawat isa sa kasong malversation of public funds at malversation thru falsification of public documents.
Bukod kay Villanueva akusado rin sina dating Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap, tauhan ni Villanueva na si Ronald Samonte, DA employee Delia Ladera, NABCOR representatives Alan Javellana, Romulo Relevo, Ma. Julie Villaralvo-Johnson, Rhodora Mendoza, at Maria Ninez Guanizo gayundin si Aaron Foundation Philippines, Inc. (AFPI) President Alfredo Ronquillo.
Napatunayan ng Ombudsman investigators na noong June 10, 2008, ang Department of Budget and Management ay nagpalabas ng P10 million bilang bahagi ng PDAF ni Villanueva para gamitin sa pagpapatupad ng agri-based livelihood projects sa iba’t ibang congressional districts sa Region XI.
Nadiskubre ng Ombudsman na ang naturang mga lokalidad ay hindi akma na pagtamnan ng halaman dahil ang malaking bahagi ng lupain doon ay okupado na ng mga punong saging at punong niyog.
Nalaman din na ang mga naitalang benepisyaryo ng proyekto ay hindi nakatira sa naturang mga bayan at nakumpirma ng mga local officials doon na walang naipatupad na agri-based livelihood projects sa kanilang bayan na inimplementa ng AFPI.
Ayon sa Ombudsman kahit na sinabi ni Villanueva na pineke ang kanyang lagda sa mga dokumento sa mga transaksiyon ng proyekto, nagawa naman nitong direktahang piliin ang NABCOR at AFPI na magpatupad sa livelihood projects kayat naproseso ang paglalabas ng pondo para rito.