MANILA, Philippines – Isang sundalo na umano ay miyembro ng Philippine Marines ang nasawi nang saksakin ng mga suspek habang nasugatan ang dalawang kasama nito matapos na makatalo ang babae na umano ay isang guest relation officer (GRO) ng isang bar sa Kidapawan City, North Cotabato kahapon ng madaling araw.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Pvt. Gilbert Gonzales, 23, ng Barangay Palma Perez, Mlang, North Cotabato. Nasugatan naman ang dalawang kasamang sibilyan na sina Ronnie Proponga, 40; at Randy Pajarillio.
Bago ang krimen, dakong alas-2:00 ng madaling araw ay nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang mga biktima sa isang GRO na agad namang sinita ng mga nasa loob ng bar. Nang papalabas na ang mga biktima ay pinagtulungan na silang bugbugin at pagsasaksakin ng mga hindi pa kilalang grupo ng mga kalalakihan.
Ang mga biktima ay nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at dinala sa ospital, subalit makalipas ang ilang oras ay binawian na ng buhay si Gonzales.