MANILA, Philippines – Isang 15 anyos na binatilyo ang nasawi makaraang madulas at masagasaan ng inangkasang tractor truck sa malagim na insidente sa Gate 5, Parola compound, Binondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Durog ang mga buto sa ibabang bahagi ng katawan ng biktimang si Mark Coronel Munez, Grade 7 ng Harmony High School na matatagpuan sa San Jose Del Monte Bulacan, at residente ng Block 37, Lot 8 Phase 1, Pabahay 2000, Muzon m SJDM, Bulacan.
Ayon kay SPO1 Richard Borbon ng Manila District Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas 12:05 ng madaling araw sa eastbound lane ng MICP Access Road, harap ng Gate 5 sa Parola Compound matapos na madulas ang biktima na humantong sa trahedya.
Nahaharap naman sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide ng driver na si Sandy Painaga, 43 anyos, ang nagmamaneho ng Isuzu Giga Tractor na may plate number na AAR 1617, residente ng Purok 6, Sorsogon st., Payatas, Quezon City.