MANILA, Philippines – Pinangunahan ng anak ni Senadora Grace Poe na si Brian Poe Llamanzares ang pagmomodelo sa Rx: A work of HeART na proyektong makatutulong sa mga pasyente ng Philippine General Hospital.
Unang rumampa si Brian sa STRIDE runway suot ang Barong Tagalog na likha ng tanyag na fashion designer na si Lian Martin noong Sabado ng gabi sa benefit fashion show sa Makati City na inorganisa ng SAGIP Buhay Medical Foundation at Phi Lambda Delta Sorority ng UP College of Medicine.
Nagaganap lamang tuwing ikatlong taon, kabilang sa mga kilalang fashion designer na tumulong para magbahagi sa PGH ng malilikom sa kanilang likhang mga kasuotan sina Rajo Laurel, Boom Sason, Arnel Papa at Martin.
Bilang youth ambassador ng I AM PGH, na isang NGO na tumutulong sa mga pasyente ng PGH, idiniin ng nakababatang Poe na mas makabuluhan ang ganitong uri ng adbokasiya kaysa mag-party tuwing weekend.
“We need affordable quality healthcare. One charity event alone will not change the state of our healthcare system. Kailangan mag-invest ang gobyerno natin sa mga programang pambansa, at kailangan natin i-address ang iba’t ibang mga issue rin tulad ng healthcare para sa kalusugan ng nakararami. Para sa mga kapatid natin na nangangailangan ng tulong. Hindi lang droga ang problema ng ating bansa,” sabi ni Brian.