Kagawad patay sa sariling baril

MANILA, Philippines – Aksideng nabaril ng isang barangay kagawad ang kanyang sarili na naganap kahapon sa Brgy. San Antonio, Parañaque City.

Idineklarang dead- on-arrival sa Uni-Health Hospital dahil sa tama sa dibdib ang biktimang si John Aragon, 49, kagawad ng Brgy. 169, Zone 69 ng Pasay City at nakatira sa Unit-H No.0012 LT., Santa Veronica, San Antonio Valley 1 ng nasabing lugar.

Sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-11:55 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima ay nililinis umano nito ang kanyang baril na kalibre .45 nang ito ay aksidenteng pumutok.

Agad na tinungo ng misis na si Maria Elena ang kuwarto nila at nada­tnan ang duguang katawan ng biktima.

Kaagad na humingi ng saklolo ang ginang upang isugod sa pagamutan ang mister, subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Show comments