3 tulak pinabulagta

MANILA, Philippines – Tatlo pang mga pinaghihinalaang drug pushers ang nasawi matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga maskaradong kalalakihan sa panibagong serye ng summary killings  sa lungsod ng Caloocan kamakalawa ng madaling araw.

Sa ulat na nakarating sa Northern Police District, dakong alas-5:30 ng madaling araw nang pagbabarilin at mapatay sina Mark Angelo Julaton, 19, ng Julaton Compound, San Isidro, Brgy. 188 Tala; at Aemos Timothy Cross, 19, ng Sunflower St., Brgy. 187 San Roque, ng naturang lungsod.

Nabatid na natutulog ang dalawang biktima sa bahay ni Cross nang dalawang armadong lalaki na nakasuot ng bonnet at face masks ang puwersahang pumasok sa bahay at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima saka mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo. Agad na tumakas ang mga salarin lulan ng isang motorsiklo.

 Agad na nasawi sa lugar ng krimen si Cross habang isinugod pa sa Dr. Jose Reyes Memorial Hospital-Tala si Julaton ngunit hindi na ito umabot ng buhay. Ayon sa pulisya, may ulat na sangkot sa iligal na droga ang mga biktima habang ginagawang drug den umano ang naturang bahay.

Dakong alas-9:40 naman kamakalawa ng gabi nang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang salarin ang 44-anyos na ginang na si Cecilia Sumile, ng No. 4703 Saging St., San Vicente Ferrer, Brgy. 178, Camarin na kasalukuyang natutulog bunsod upang masawi ito sa insidente. Iniimbestigahan pa kung may kinalaman  sa sinasabing pagkakasangkot ng mga biktima sa pagtutulak ng droga ang krimen.

Show comments