Tandem patay sa police checkpoint

Sinusuri ng Caloocan SOCO  team ang isa sa dalawang bangkay ng lalaki na sakay ng motorsiklo na umano ay nakipagbarilan sa mga pulis sa police checkpoint sa kahabaan ng Turcillo St., kanto ng C-3 Road, Caloocan City. Nakuha sa bangkay ang isang kalibre 45 baril at 38 baril. Joven Cagande  

MANILA, Philippines – Dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang nasawi nang makipagbarilan sa mga pulis na nakatalaga sa checkpoint kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Walang nakuha na anumang pagkakakilanlan sa dalawang napatay na suspek.

Bago ang insidente dakong alas-11:20 ng gabi ay nakatanggap ang  Caloocan City Police ng tawag mula  emergency hotline 911 na may insidente pamamaril sa Tanigue St., Dagat-Dagatan.

Rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-2 hanggang sa makita ang mga suspect na armado ng baril habang lulan ng isang motorsiklong walang plaka na mabilis ang takbo patungong C-3 Road.

Pagsapit sa panulukan  ng Pamasawata at  C-3 Road ay bigla na lamang umanong pinaputukan ng mga suspect ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint kung  kaya’t napilitang gumanti ng putok ang mga ito na nagresulta ng pagkasawi ng  mga suspek.

Narekober ng mga pulis ang ilang basyo ng bala ng baril, apat na  sachet ng pinaniniwalaang shabu, 1 kalibre .38 baril, 1 kalibre .45  baril at ang gamit ng mga nasawi na SYM motorcycle na walang plaka.

Show comments