MANILA, Philippines – Idineploy kahapon ng pamunuan ng PNP ang kanilang elite personnel na Special Action Force (SAF) na umaabot sa 320 upang palitan ang mga guwardya ng New Bilibid Prisons (NBP), na kung saan ay talamak umano ang irregularidad sa loob tulad ng gun running at illegal drug trade.
Pinaalalahahan ni Philippine National Police (PNP) chief Director Ronald “Bato” Dela Rosa ang SAF na huwag tumanggap sa mga posibleng pagbibigay ng lagay mula sa mga preso.
“’Wag kayong magpa-corrupt, ‘wag kayong magpapaloko sa baba. Isang report lang na isa sa inyo ay tumanggap ng bribe, kahit piso o kahit isang balot ng candy, that will destroy everything,” wika ni Dela Rosa.
Siniguro rin ni Dela Rosa sa mga preso ang kanilang kaligtasan sa kamay ng mga SAF commandos.
“Ito pong mga dala namin Special Action Force, sila po’y mga pulis. Hindi sila mga berdugo. Huwag n’yo pong isipin na sila’y pinapunta rito para kayo ay pagpapatayin yung mga tao diyan sa loob, sila po ay andito para gampanan ang trabaho kung saan nagkukulang itong mga ating present na guwardiya” wika ni Dela Rosa.
Bago ang pag-takeover ng SAF ay inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang PNP Scene of the Crime Operatives (SOCO) na magsagawa ng paghalughog sa NBP Building 14 na pinagkukulungan 53 preso kabilang ang mga high profile na preso tulad ng mga drug lord na sina Herbert Colangco at Peter Co na pansamantala munang inilipat sa dalawang bus para sa pagsasagawa ng inspection sa mga itinatagong kontrabando tulad ng mga cellphone.
Tiwala si Aguire na hindi matutukso ang SAF sa mga lagay at gagawin din niya ang pagbalasa ng bawat personnel sa loob ng dalawa o tatlong buwan para maiwasan ang familiarity sa mga preso.