MANILA, Philippines - Isang dating pulis na naging drug pusher ang napatay nang ito ay manlaban sa mga umaarestong operatiba ng Quezon City Police sa isinagawang anti-illegal drug operations sa Brgy. Pasong Tamo kamakalawa ng gabi.
Ang nasawing suspek ay kinilalang si PO3 Pelito Basan Obligacion ng Sauyo Road, Novaliches, Quezon City. Pumasok ito sa police service noong Setyembre 16, 1998 at National Capital Region Police Office at dating natalaga sa Police Service-3 noong 2008.
Nalipat ng destino sa Barangka Marikina Police Station bago ito nag-AWOL (Absent Without Official Leave) at pinatalsik sa serbisyo epektibo noong Marso 15, 2015.
Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout bandang alas-12:00 ng hatinggabi sa Dingle Street, Brgy. Pasong Tamo, Tandang Sora, Quezon City ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang Police Station (PS) 3 mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal na transakyon ng droga sa lugar kung saan ang drug pusher ay si PO3 Basan.
Agad namang nagresponde sa lugar ang mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (SAIDSOTG) sa lugar at naaktuhan ang suspek habang nagbebenta ng droga.
Nang lalapitan ng mga otoridad si PO3 Basan ay agad itong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga operatiba na nauwi sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig na kung saan ay napatay ang dating pulis.
Nasamsam ang isang cal. 45 Colt pistol na may magazine at kargado ng limang bala, mga cartridge ng cal. 45 pistol at cal. 9 MM gayundin ang tatlong plastic sachet ng shabu at motorsiklo na may plakang WH 6725.