Pito katao patay sa sunog

MANILA, Philippines – Pito katao kabilang ang tatlong paslit na magkakapatid ang nasawi matapos na ma-trap sa sunog sa magkakahiwalay na insidente sa Jamindan, Capiz at Sipocot, Camarines Norte kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni Chief  Inspector Cherly Visto, Chief of Police ng Jamindan, Capiz, nasawi ang tatlong magkakapatid ng ma-trap sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Molet, Jamindan ng lalawigang ito bandang alas-10:30 ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Alvin Padua, 11 anyos; Angel Padua, 9 at Ashley Padua, 2 taong gulang.

Ayon sa imbestigasyon, sinabi ni Visto na pansamantalang lumabas ng kanilang bahay ang ama ng mga biktima para bumili ng baon sa eskuwela ng kaniyang mga anak pero 40 minuto pa lamang ang nakalilipas ang pagbalik nito ay nasusunog na ang kanilang tahanan na gawa sa mahihinang uri ng materyales.

Lumilitaw naman sa imbestigasyon, na faulty extension cord ang dahilan ng sunog kung saan posib­leng nakatulog ang mga bata habang nanonood ng telebisyon.

Sa isa pang insidente iniulat naman ng Police Regional Office (PRO) V, bandang alas-4:40 ng madaling araw ng malitson ng buhay ang apat katao sa loob ng nasusunog na auto and construction supply sa San Juan Avenue, Brgy. South Centro, Sipocot, Camarines Sur.

Nakilala ang mga biktima na sina Antonio Lipiao, 70, may asawa; negosyante, asawang si Alicia Borja-Lipiao, 69 at ang dalawang apo na sina Shobie Espiritu, 14 at Alexie Espiritu, 12 taong gulang.

Bandang alas-4:40 ng madaling araw nang mangyari ang sunog na nagsimula sa receiving area o cashier na hinihinala ring sanhi ng electrical circuit. Nabigo nang mailigtas ang mga biktima dahilan sa malaki na ang apoy.

Show comments