MANILA, Philippines - Matapos makakita ng probable cause ay pinakakasuhan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si La Union 2nd District Rep. Thomas Dumpit sa maanomalyang paggamit ng kanyang pork barrel fund na taong 2007 hanggang 2009 na may halagang P66.5 milyon.
Si Dumpit ay mananagot sa 15 counts ng paglabag sa section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019), 9 counts ng Malversation thru Falsification of Public Documents at 6 counts ng Malversation of Public Funds.
Batay sa isinumite ng Commission on Audit (COA) napatunayan ng Ombudsman na mula 2007 hanggang 2009 ay tumanggap si Dumpit ng kabuuang halagang P66.5 milyon ng PDAF para pondohan ang pamamahagi ng livelihood training kits, business clinics, market development, livelihood trainings, distribution ng instructional at livelihood materials, grafted seedlings, hand tractors, water pumps, manicure sets, hairdressing kits at sewing machines para sa kanyang mga constituents, subalit nadiskubre na ito ay pawang mga ghost projects.