MANILA, Philippines - Kung sakaling manalo sa eleksyon ay nangako sina Sen. Grace Poe at Sen.Francis ‘Chiz’ Escudero na sa ilalim ng administrasyong “Gobyernong may Puso” ay ibabasura nila ang mga pahirap na regulasyon sa mga manggagawa at tsuper tulad ng “ENDO” (end of contract) at Joint Administrative Order (JAO) 2014-01.
“Layunin naming tapusin na ang ‘endo’ dahil sa simpleng rason: dapat ang tingin ng mga kumpanya, ka-partner nila ang kanilang mga empleyado.Hindi ‘yan simpleng gastos ang suweldo sa empleyado,” pahayag ni Escudero.
Sabi ni Escudero, babalikan raw nila ang Department Order No. 18 Series of 2011 na inilabas ng Department of Labor and Employment, gayundin ang iba pang polisiya na itinuturong nagbibigay puwang sa kontraktwalisasyon sa pagggawa sa Pilipinas.
“Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng security of tenure, mabibigyan ng dignidad ang mga manggagawa.‘Pag nangyari ito, makakapagplano na ang mga pamilyang Pilipino sa pagbili ng bahay, pagbili ng motor at pagtayo ng negosyo dahil may seguridad na ang kanilang pagtatrabaho,” dagdag pa ng beteranong mambabatas. Ani Escudero, isa pang pahirap na polisiya na bubuwagin sa ilalim ng “Gobyernong may Puso” ang JAO 2014-01 ng Department of Transportation and Communications (DOTC), Land Transportation Office (LTO) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipinoprotesta ng sektor ng transportasyon dahil sa sobrang taas na multa sa paglabag sa batas trapiko.