MANILA, Philippines - Bumagsak na sa kamay ng batas ang isang taxi driver na sangkot sa mga serye nang panghoholdap, panggagahasa at pagpatay sa kanyang mga pasahero at kabilang sa naging biktima nito ay ang biyuda ng isang musikero.
Nadakip kamakalawa sa Bulacan ang suspek na si Nitron Ison may mga aliases na Ricky Ibatuan-Ramos at Zenki Ison, 24, binata, tubong Brgy. Santo Niño, Gapan City, Nueva Ecija at nakatira sa Block 41, Zone 7, Welfare Compound, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong, City.
Ayon kay Sr. Inspector Roman Salazar, tagapagsalita ng Makati City Police, nadakip si Ramos dakong alas-4:00 ng hapon sa Brgy. Santa Lucia, San Miguel, Bulacan sa pamumuno ni Supt. Angelo Germinal, deputy chief of police ng Makati City Police, dahil sa mga kaso nitong robbery.
Ang pagkakaaresto kay Ramos ay sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu nina Judge Alma Crispina Collado-Lacorte, ng Branch 21, Manila Regional Trial Court (RTC) at Judge Ronald B. Moreno, ng Branch 147, Makati City RTC.
Sa record ng pulisya, si Ramos ay sangkot umano sa panghoholdap at pagpatay kay Maria Amparo Gamboa, biyuda ng musikerong si Dominic “Papadom” Gamboa noong Pebrero 10, 2016 sa Kalayaan Avenue, Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.
Si Ramos din ay sangkot sa ilang serye nang panghoholdap sa Makati at Mandaluyong City, kung saan ginahasa pa umano nito ang isa sa mga naging biktima nitong pasahero.
Ang modus-operandi umano ni Ramos ay mangangarnap ng taxi sa area ng Quezon City at Pasay at pagkatapos ay magpapanggap itong driver at saka mag-aabang ng pasahero na kanyang bibiktimahin.
Iniimbestigahan na rin kung sangkot din si Ramos sa panghoholdap at pamamaril sa isang 17-anyos na freelance therapist, na taga Mandaluyong, naganap noong alas-3:30 ng madaling araw ng Marso 21 ng taong kasalukuyan sa Malugay St., Brgy. Bel Air, Makati City.