MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang dalawang sakay ng isang motorsiklo makaraang sumalpok sila sa likurang bahagi ng isang nakaparadang trak sa gilid ng highway sa harapan ng Limpin Rice Mill, Norala, South Cotabato, kamakalawa.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Jay Fe Baclaan Francisco, 25, may-asawa, driver ng motorsiklo at angkas na si Romel Cepida Penuelo, 22, binata, kapwa mga residente ng Purok Que Alma, Poblacion Norala.
Batay sa ulat, binabaybay ng dalawang biktima sakay ng isang motorsiklo (6034-HO) nang bumangga sa likurang bahagi ng Isuzu truck na pagmamay-ari ni Cristito Santillana.
Sa lakas nang pagsalpok ay tumilapon ang dalawa na unang bumagsak ang ulo sa kalsada.
Ang dalawang biktima ay dinala sa ospital ng mga nakakita sa pangyayari, subalit hindi umabot ang mga ito ng buhay.