MANILA, Philippines - Muling nabawi ni presidential candidate Sen. Grace Poe ang pangunguna ng solo sa latest survey ng Pulse Asia.
Sa isinagawang survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng ABS-CBN mula March 15-20 sa may 4,000 na respondents sa buong bansa na may margin of error na plus-minus 1.5 percent ay solong nanguna si Sen. Poe na may 28 percent. Isinagawa ang survey matapos paboran ng Korte Suprema si Poe na puwedeng tumakbong presidente.
Pangalawa naman sa survey si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may 24% at sinundan naman ni Vice-President Jejomar Binay na may 23%.
Nasa ikaapat na puwesto pa din ng survey si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na may 19% at 2% naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Sa vice-presidential race naman ay tabla naman sina Sen. Chiz Escudero at Sen. Bongbong Marcos na kapwa nakakuha ng 25 percent.
Nakakuha naman ng 21 percent si LP vice-presidential candidate Leni Robredo at sinundan ni Sen. Alan Peter Cayetano na may 14 percent, 5% naman si Sen. Gringo Honasan at 4% si Sen. Antonio Trillanes IV.