Nanay, 3 anak natupok sa sunog

Dito natagpuan ang tupok na katawan ng isang ina at tatlo nitong anak matapos na masunog ang kanilang bahay kamakalawa sa kahabaan ng Planas St., Ilaya, Divisoria, Manila.  JOVEN CAGANDE

MANILA, Philippines - Hindi na nakalabas ng buhay ang isang ina at tatlo nitong anak matapos na makulong sa nasusunog nilang bahay na nasa itaas ng isang palengke na naganap kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Pawang mga abo na nang matagpuan ang labi ng mag-iina na  sina ­Evelyn Verzosa, nasa hustong gulang; mga  anak na sina  Edison Sunga, 7; Michaela, 6; at Marsky, 4 pawang nangungupahan sa itaas ng New Oriental Market sa no. 975 Carmen Planas St., Tondo.

Batay sa ulat, nagsimula ang sunog dakong alas-11:29 ng gabi sa New Oriental Market na sinasabing pagmamay-ari ng isang Ciara Tan, na matatagpuan sa Carmen Planas St., malapit sa Sto. Niño Church.

Nagsisilbing palengke ang ibaba ng nasabing gusali at sa itaas na palapag naman ay ginawang tirahan na karamihang nakatira ay pamilya rin ng mga vendor.

Patuloy pang inaalam ang tunay na dahilan ng pagsiklab ng apoy na hinihinalang sa iligal na koneksiyon.

Sinasabi ring ang u­nang nag-spark ay linya ng kuryente at nang ma­laki na ang apoy ay may narinig pa ang tatlong sunod-sunod na pagsabog na hinihinalang tangke ng mga kalan.

Nakita pa umano ang ina ng mga bata na lumabas na habang nasusunog at bumalik muli sa itaas upang iligtas ang mga anak, subalit bigo na silang makalabas ng buhay.

Tatlumpung minuto lamang nang itaas sa Task Force Alpha ang sunog at idineklarang under control ala-1:07 ng mada­ling araw at alas-6:02 ng umaga kahapon nang ideklarang fire-out.

 

Show comments