MANILA, Philippines – Itinuro ng sumukong hired killer at saksi na ang mister ang siyang utak sa pagpatay sa kanyang mag-ina sa pamamagitan nang pagpalo ng martilyo sa mga ito sa kanilang bahay sa Sta. Rosa, Laguna kamakailan.
Inihayag kahapon sa pulisya ng saksi na kinilalang si alyas Totoy na siya ay inalok ng mister na si Richard Sta. Ana ng pera kapalit sa pagpatay sa misis nito.
Subalit, tinangihan ni Totoy ang trabaho at sa halip ay ibinigay niya ito kay Ramoncito Gallo, 25, tricycle driver, isa sa dalawang suspek sa pagpatay sa mag-inang sina Pearl Helene, 25 at sa anak nitong lalaki na si Denzel, 1.
Si Gallo ang nakita sa CCTV camera na isa sa mga suspek na nagpanggap na internet service repairmen ng Globe Telecoms para makapasok sa bahay ng mag-ina noong Marso 2.
Nagpadala pa ng text message si Pearl Helene sa kanyang kuya at mister na ang dalawang lalaki na umano ay technicians ay nagpakita ng job order, subalit kaduda-duda umano ang mga ikinikilos.
Dahil sa kurot ng konsensiya, sumuko noong Biyernes ng gabi si Gallo sa pulisya at sinabi sa mga imbestigador na binayaran umano sila ng P 60,000 ni Sta. Ana para paslangin ang misis dahilan nanlalaki umano ang ginang na labis na ikinagalit ng mister.
Inamin nito na siya ang naggapos sa mag-ina pero itinuro ang isa pa niyang kasama na siyang pumukpok ng martilyo sa ginang at anak nito na kanilang ikinamatay.
Lumilitaw rin sa medico legal report na hinalay ng higit sa isang suspek ang ginang bago ito brutal na pinaslang at idinamay pa ang musmos nitong anak.
Naiwan naman sa crime scene ang ID ng isang David dela Cruz, maintenance specialist ng Globe Telecoms, pero lumilitaw na pineke ang ID nito at napatunayan sa CCTV ng isang establisyemento sa Metro Manila na pinuntahan nito na wala ito sa pinangyarihan ng insidente nang isagawa ang pamamaslang.
Sinabi ni Sta Rosa City Police Chief, P/Sr Pupt. Reynaldo Maclang na isang kaibigan ni Gng. Sta. Ana ang nagbunyag na ito umano ay may ibang lalaki at natuklasan ito ng kanyang mister dahil sa mga larawan sa cellphone nito. Si Sta. Ana ay isang computer expert kaya’t kaya niyang i-access ang mga larawan sa cellphone ng kanyang misis.
Binanggit din ni Maclang sa nakuha nilang records sa Globe na mayroong anim na SIM cards si Mr. Sta. Ana at isa sa SIM card ay siyang ginamit para kontakin ang 211 na siyang Globe’s customer care hotline.
“Sa isang ordinaryong tao, mag-iisip ka rin nga kung bakit anim iyung ginagamit at isang SIM card doon refers only to 211, iyung operator ng Globe,” pagwawakas ni Maclang.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa kasama ni Gallo at inaasahang maaresto na rin ito sa lalong madaling panahon.