MANILA, Philippines - Ginahasa at pinatay ang isang 9-anyos na batang babae ng kanyang 15-anyos pinsan naganap kamakalawa sa Brgy. La Union, Castilla, Sorsogon.
Ang suspek ay itinago sa pangalang Rommel, residente ng nasabing barangay at pansamantalang nasa kustodya ng Women and Children’s Protection Desk.
Ang biktima na si Ashleu Lazarte, grade 3 pupil ay natagpuang patay dakong alas-8:00 ng umaga sa isang madamong lugar na sabog ang ulo na maaaring pinukpok ng matigas na bagay at may tama ng saksak sa leeg.
Ayon sa mga saksi nakita nila ang biktima na kasama ang suspek sa pagpasok sa eskuwelahan.
Subalit, gabi na ay hindi na ito nakauwi ng bahay na labis na pinag-alala ng magulang hanggang sa ito ay hanapin at matagpuang patay.
Lumalabas pa sa resulta ng medico legal na ginahasa muna ang biktima bago ito pinaslang ng suspek na posibleng nasa impluwensiya ng bawal na gamot.