5 karnaper napatay sa checkpoint

MANILA, Philippines – Napatay sa shootout ang limang lalaki na pinaghihinalaang miyembro ng carnapping/robbery holdup gang matapos na kumasa sa mga otoridad sa checkpoint kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Sapang Cauayan, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Patuloy namang ina­alam ang pagkakakilanlan sa mga napatay na suspek at nasamsam sa mga ito ang limang cal. 38 revolver, mga bala, kinarnap na tricycle at motorsiklo.

Batay sa ulat ni Chief Supt. Rudy Lacadin, Director ng Police Regional Office (PRO) 3, bago nangyari ang shootout bandang alas-3:00 ng madaling araw sa inilatag na checkpoint ay nakatanggap ng report ang mga otoridad hinggil sa kinarnap na tricycle na pag-aari ni Macario de la Cruz  sa bisinidad ng Purok 2, Bacal 3, Talavera, Nueva Ecija.

Agad namang nag-flash alarm ang Talavera Police sa lahat ng units ng pulisya sa lalawigan kung saan ay inalerto ang mga pulis na nagbabantay sa checkpoint sa lalawigan.

Naharang naman ang mga suspek matapos na dumaan sa checkpoint na binabantayan ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) 3 sa ilalim ng superbisyon ni Supt. Ponciano Zafra  sa nabanggit na lugar.

Tumangging sumailalim sa  inspeksyon ng mga otoridad sa checkpoint ang mga suspek na lulan ng kinarnap na tricycle na binangga pa ang signages dito saka pinaputukan ang mga otoridad.

Gumanti ng putok ang mga otoridad at isa-isang tumimbuwang ang mga karnaper na nasawi noon din.

Ang checkpoint ay bilang bahagi ng pi­naigting na kampanya kontra loose firearms o mga baril na walang lisensya at pag­lalansag sa mga Private Armed Groups (PAGs) kaugnay ng isasagawang lokal at pambansang halalan sa Mayo ng taong ito.

Show comments