MANILA, Philippines – Dahil sa hindi makayanang depresyon sa buhay ay nagawa ng dalawang lalaki na magbigti sa magkahiwalay na pangyayari kamakalawa sa Pasay City at Lipa City, Batangas.
Sa Pasay City ay hindi na umabot ng buhay sa ospital ang kusinerong si Rodney Abinir, 24. matapos magbigti sa loob ng VIP room ng pinapasukan nitong bar and restaurant na matatagpuan Castillo Building, kanto ng Tramo at EDSA.
Huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-8:00 ng gabi at pagsapit ng alas-10:00 ng gabi ay nagtungo ito sa ikalawang palapag upang matulog na.
Bandang alas-11:30 ng gabi ay umakyat ang kasama nitong si Charish Ubar sa VIP room at nakita ang biktima na nakabigti.
Dahilan sa pandidiri ng mga tao sa kaniyang paligid bunga ng grabeng sakit sa balat ay nagbigti ang 24-anyos na si Jose Lanete Jr., tubong Pinamalayan, Oriental Mindoro at pansamantalang naninirahan sa sa Brgy Lodlod, Lipa City, Batangas.
Sa ulat, dakong alas-3:00 ng hapon nang magpatiwakal ang biktima sa loob ng silid nito sa kanilang bahay na nadiskubre ng kapatid nitong si Angel sa kanyang pag-uwi.
Lumilitaw sa imbestigasyon na labis na dinamdam ng biktima ang pandidiri dito ng mga tao pati ng kaniyang mga kaibigan dahilan sa matinding karamdaman sa sakit sa balat.