MANILA, Philippines - Inihayag ni United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General JV Bautista sa isang pulong balitaan sa Cebu City na naglipatan na sa partido ni Vice President Jejomar Binay ang mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Southern Leyte na pinangungunahan nina Vice Governor Sheffered Tan at Provincial Board member Albert Esclamado.
Si Tan ay kumakandidatong gobernador sa Southern Leyte laban kay Rep.Damian Mercado ng lone district ng lalawigan habang si Esclamado ay tumatakbong vice governor laban kay Councilor Coco Yap ng Sogod.
Ayon kay Bautista, simula pa lang ito ng mga pagpapahayag ng mga pangunahing kandidato sa iba’t ibang lalawigan na sumama sa UNA at lantaran nang mag-eendorso sa kandidatura ni Binay sa 2016 presidential elections.
Sinabi naman ni Tan na lumipat siya sa UNA dahil naging magulo ang LP sa kaayusang pulitikal sa mga miyembro sa Southern Leyte.
Binanggit niya na ang mga miyembro ng LP na kakandidato sa iba’t ibang posisyon sa halalan ay hindi inendorso ng partido ng administrasyon.
Pinuna niya na mas inendorso ng LP ang mga kandidato ng mga kasalukuyang lokal na opisyal na hindi naman kasapi ng LP at naitsapuwera ang mga orihinal na kasapi ng LP.
Idinagdag naman ni Bautista na ipinasya niyang ipahayag sa Cebu City ang paglipat sa UNA ng maraming kasapi ng LP dahil sa lumalaking popularidad ni Binay sa Visayas.
Si Binay ay patuloy na nangunguna na maging pangulo sa halalan sa Mayo 2016 batay sa huling survey ng SWS at Pulse Asia.