MANILA, Philippines – Isang Marine Colonel na kilalang drug buster at isang Chinese drug trafficker ang nadakip at nakumpiska ang 64 kilo ng shabu sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police - Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) sa Sta.Cruz, Maynila kahapon ng madaling araw.
Naaresto sa operasyon si Col. Ferdinand Marcelino ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dating Director for Special Enforcement Service ng PDEA at Chinese National na si Yan Yi Shou, 33-anyos.
Nasabat sa nasabing pagsalakay ang 64 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P320 milyon.
Ayon sa mga tauhan ng PDEA, sinalakay nila ang lugar dakong alas-12:30 ng madaling araw sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court dahil sa hinalang ginagamit ang bahay bilang storage facilities ng mga illegal na droga na matatagpuan sa No. 15, Block 17, Lot 6, Celadon Residences sa panulukan ng Felix Huertas at Batangas Streets, Sta. Cruz, Maynila.
Gayunman, nadiskubre nilang isa palang large scale clandestine laboratory ang lugar o pagawaan ng illegal na droga.
Ayon kay PNP-AIDG Spokesperson Chief Inspector Roque Merdeguia nadatnan nilang kasama ni Yan Yi Shou si Marcelino nang sila ay dumating sa lugar.
Sinabi ni Shou na siya ay nagsilbing interpreter ng PDEA noong taong 2005, habang tinukoy nito si Marcelino bilang dating director sa PDEA.
Si Marcelino ay dating Director for Special Enforcement Service ng PDEA bago naging kasapi ng Philippine Marines.
Si Marcelino ay isa sa mga high profile operatives ng PDEA ngunit noong October 9, 2012 naghain ng reklamo ang PDEA laban kay Marcelino sa Inspector General’s Office ng Armed Forces of the Philippines.
Inakusahan si Marcelino ng mga ahente ng PDEA bilang utak sa pagtatanim umano ng ebidensya laban sa isang sundalo na nakatalagang prison guard sa PDEA Jail Facility.
Si Marcelino ay dating kilalang drug buster sa panahon ni dating PDEA Chief Executive Director Dionisio Santiago na naging matagumpay ang operasyon kontra illegal na droga.
Napasugod sa lugar ang kasalukuyang si PDEA Director Arturo Cacdac Jr., na pinaiimbestigahan na niya si Marcelino bunga ng insidente.
Ikinatwiran naman ni Marcelino na nagsasagawa lamang umano siya ng surveillance operation sa lugar dahilan nais niyang makatulong sa anti-drug campaign ng pamahalaan.
Sinabi ni Cacdac na itinuturo na ring suspect si Marcelino bunga ng presensya nito sa sinalakay na laboratoryo ng shabu kaya’t kakasuhan rin nila ito.
Sa isinagawang beripikasyon sa Philippine Marines sinabi naman ng Spokesman nitong si Captain Jerber Anthony Belonio na aktibo pa sa kanilang hukbo si Marcelino pero nasa outside duty status ito.