MANILA, Philippines – Dapat paigtingin ng pamahalaan sa pamamagitan ng pulisya at militar ang paglaban sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na matagal nang nakipag-alyansa sa barbarong Islamic State of Syria and Iraq (ISIS).
Ito ang iginiit ni dating Department of Interior and Local Government Secretary at kandidatong senador na si Rafael Alunan III at hindi dapat maging kampante ang pulisya at militar lalo’t nagsagawa na ang mga miyembro ng ISIS ng terorismo sa Thailand at Indonesia at kamakalawa lamang at may nahuling suicide bomber na umaming inutusan ng teroristang grupo na magsagawa ng pambobomba sa mataong lugar.
“Noong 2014 pa nanumpa ng katapatan ang Abu Sayyaf sa ISIS na walang kaibahan sa dating kaalyado nitong Al Qaeda at iisa ang kanilang layunin--ang magtatag ng global caliphate sa pamamagitan ng karahasan,” ani Alunan.
“Mula Al Qaeda hanggang ISIS, iisa ang kanilang paraan--pumatay nang pumatay para maitaboy ang mga kuffar o infidels. Pareho ang kanilang larangan ng digmaan, ang Basilan, Sulu Western at Central Mindanao,” paliwanag ni Alunan.
Idinagdag pa ni Alunan na matagal nang sinasabi na ang ISIS ay gumagalaw sa ating parte ng mundo at ang training ground nila ay nasa Mindanao kaya dapat na paigtingin ang kampanya laban sa lahat ng teroristang grupo roon.