Pribadong sasakyan bawal na sa yellow lanes

MANILA, Philippines – Uumpisahang dakpin ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) ang mga pribadong sasakyan na papasok sa yellow lanes sa southbound ng EDSA mula Shaw Boulevard hanggang Guadalupe sa Makati City.

Sinabi ni Emerson Carlos, hepe ng MMDA, ang panghuhuli ay matapos ang isang linggong paninita ng kanilang mga tauhan.

Ito umano ay pilot project ng ahensya upang mabatid kung epektibo ito para mapabilis ang takbo ng mga bus.

Aminado si Carlos na labis ang pagbagal ng trapiko sa EDSA at maging sa ibang kalsada sa Metro Manila dahil sa pagdami ng mga pribadong sasakyan na hindi na makayanan ng engineering infrastructure ng pamahalaan.

Pinakamabisa umano na paraan na maihatid ang mga pasahero ng maramihan sa pamamagitan ng mga bus ngunit hindi rin nagiging epek­tibo dahil sa napakabigat na trapiko dagdag pa ang pagpasok sa yellow lanes ng mga pribadong motorista.

Mag-uumpisang tikitan ng mga tauhan ng MMDA su­balit pinag-aaralan ng ahensya kasama ang PNP-Highway Patrol Group na ibalik ang “no contact policy” na kukunin na lamang ang plaka ng sasakyan at ihahatid sa bahay ang traffic violation receipt.

Idiniin ng MMDA na kabilang din sa bawal dumaan sa mga yellow lanes ang mga taxi at maging mga “asian utility vehicles for hire”.

Nilinaw naman ni Carlos na maaari pa ring pansamantalang pumasok sa yellow lanes kung may establisimiyentong pupuntahan sa lugar o kung papasok sa service roads.

Magbabantay naman ang mga traffic enforcers kung magbababad ang mga pribadong motorista na magpapalusot lamang.

Maaari umanong mai­patupad ang naturang proyekto kung makikita ng ahensya na epektibo ito sa pagpapabilis sa takbo ng mga bus.

Show comments