MANILA, Philippines – Namatay noon din ang isang motorcycle rider matapos na mabundol siya ng isang SUV kahapon ng umaga sa Barangay Mayamot, Antipolo City, Rizal.
Ang nasawi dahil sa matinding tama sa ulo ay kinilalang si Reno Marquez, nasa hustong gulang at naninirahan din sa nasabing lugar.
Batay sa ulat, bago nangyari ang aksidente dakong alas-6:00 ng umaga sa Sumulong Highway ng nasabing barangay ay minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo na may plakang BD-27497 at binabaybay ang kahabaan ng Sumulong Highway nang mabangga ito ng rumaragasang Toyota Tamaraw FX (TRN-461) na minamaneho ng isang Amelito Masaya, 30, ng Masinag Antipolo City.
Sa lakas nang salpok ay tumilapon ng ilang metro ang layo ang biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Ang driver ay kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide.