MANILA, Philippines – Nasawi ang apat katao kabilang ang dalawang lokal na teroristang sympathizer umano ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) matapos ang sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng Sultan at mga armadong bandido sa magkakahiwalay na insidente sa Lanao del Sur kamakalawa.
Batay sa ulat ni Major Felimon Tan, Spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, dakong alas-6:00 ng umaga ay nasagupa ng mag-amang Panundi Sultan at Noble ang mga armadong grupo sa Brgy.Gata, Buadipuso ng lalawigan na ikinasawi ng mga ito.
Nang mabatid ang pagkamatay ng mag-ama ay sumugod rin sa lugar ang mga armadong kaanak ni Sultan at nakabakbakan ang grupo ng mga armado na tinatayang nasa 40 ang bilang.
Ang palitan ng putok ay tumagal ng may isang oras hanggang sa magsi-atras ang grupo ng mga lokal na terorista na inabandona ang isa nilang napatay na kasamahan na naka-headband pa ng itim na may simbolo ng ISIS kaya ipinalalagay na sympathizers ang mga ito ng naturang kinatatakutang international terrorists.
Habang papatakas ay nakasagupa naman ng mga elemento ng Army’s 65th Infantry Battalion (IB) ang mga armadong bandido sa Brgy. Lilod, Maguing ng lalawigan na ikinasawi naman ng isa sa mga kalaban na nakunan pa ng isang M4 assault rifle.