MANILA, Philippines – Isang kandidatong konsehal sa Maguindanao ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng nag-iisang gunman kamakalawa ng gabi sa Cotabato City.
Kinilala ang biktima na si Macawali Saranga, 38, ng Buldon, Maguindanao at kandidatong konsehal sa ilalim ng Liberal Party.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen bandang alas-7:20 ng gabi sa panulukan ng Don Rufino Avenue at Doretheo Street sa tabi ng Cotabato Puericulture Hospital ay katatapos lang bumisita si Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas at nakipagpulong sa mga lokal na kandidato at kanilang kapartido sa naturang siyudad.
Ang biktima ay nakatayo sa lugar at nakikipag-usap sa kaniyang mga kaibigan nang lapitan ng salarin na armado ng cal. 45 pistol at pagbabarilin ito sa ulo na agad nitong ikinasawi.
Mabilis tumakas ang suspek na sinamantala ang kadiliman ng paligid.
Dalawang anggulo ang sinisilip ng pulisya sa motibo ng krimen, una ay pulitika at ikalawa ay rido o clan war.