DUBAI, UAE - Hinikayat ni Vice President Jejomar C. Binay ang mga Philippine embassies sa Middle East na agad maghanda at rebyuhin ang kanilang contingency plans kung sakaling lumala ang sitwasyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran.
Ayon pa sa Bise Presidente na handa ang pondo sa emergency purposes at dapat ang mga embahada ay maaari itong gamitin kapag lumala ang sitwasyon.
Binigyan naman ni Binay ng kasiguraduhan ang mahigit 800,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United Arab Emirates (UAE) na sila ay ligtas kahit na may namumuong tensyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran.
Ito ang isa sa dahilan ni Binay kaya’t nagpunta ito sa UAE upang makita ang
posibleng epekto sa mga OFWs kung sakali na matuloy ang girian ng Saudi Arabia at Iran na sa kasalukuyan ay normal ang sitwasyon doon.
Sa isang open forum sa Filipino community sa UAE ay muli niyang pinanawagan sa pamahalaan na magkaroon ng malinaw na polisiya sa kaso ng blood money upang sa ganun ay mabilis ang pagproseso sa pagliligtas sa mga Filipino workers na nahaharap sa death penalty sa mga Arab countries.
Suportado din ni Binay ang pagdagdag ng P100 million legal assistance fund para sa OFWs sa budget of the Department of Foreign Affairs (DFA) na inisyatibo ni Senator Nancy Binay na malaking tulong sa mga Philippine embassies na makakuha ng mga abogado na sobrang mahal ang presyo sa ibang bansa.