MANILA, Philippines – Pinagbabaril ng isang sekyu ang tatlong mangingisda na kung saan isa ang nasawi matapos na sila ay mahuling nagnanakaw sa isang barge kahapon ng madaling araw sa South Harbor, Port Area, Maynila.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Michael Garcia, 39, ng B 4 Baseco Old Site, Port Area, Maynila.
Habang nakaratay ang dalawang kasamahan nito matapos masugatan na sina Leonardo Eson at John Paul.
Sumuko naman ang suspek na si Jeffrey Toralba, 28, no. 30 F. Road 5, Fairview, Quezon City na nakatalagang sekyu sa barge na nakadaong sa Manila Bay.
Batay sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga nang maaktuhan ng sekyu ang tatlo na inililipat ang mga kahoy na ninakaw mula sa barge patungo sa bangka nila.