MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kandidato na kakasuhan nila ang mga ito kung gagamit ng dirty tricks o paninirang puri laban sa kanilang mga katunggali sa pamamagitan ng social media.
Kaya’t pinayuhan nila ang mga kandidato na maghinayhinay sa gitna na ng umiinit na election fever sa bansa na gaganapin sa May 2016 national elections kung saan matindi ang siraan ng kredibilidad ng mga kandidato.
Sinabi ni PNP-Anti -Cybercrime Group (PNP-ACG) Spokesman Chief Inspector Jay Guillermo na basta may reklamo ay maaari nilang imbestigahan ang mga dirty tricks o pambabato ng putik ng mga kandidato sa pamamagitan ng social media kaya dapat mag-isip-isip muna ang mga kandidato.
Ginawa ni Guillermo ang babala sa gitna na rin ng malaking posibilidad na gamitin ng mga kandidato ang kanilang paninira sa reputasyon ng kanilang mga katunggali o kapwa kandidato sa social media tulad ng facebook, Instagram, tweeter, Friendster at iba pa.
Anya, dapat pag-ingatan ng mga kandidato ang kanilang mga ipinoposteng mensahe, video, larawan at iba pa kontra sa kanilang mga katunggali at handa silang tumanggap ng reklamo na maituturing na ‘one step higher’ sa bigat ng kasong libelo.
Binigyang diin nito na maari nilang imbestigahan ang isang paninirang puri laban sa isang tumatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno kabilang na dito ang mga kandidatong Pangulo.
Kabilang sa mga paninira ay kung gawin ng isang kandidato na katawatawa na makakasira sa pagkatao nito at kredibilidad bilang isang aspiranteng public servant.