Pag-atake ng NPA nasilat

MANILA, Philippines – Sa kabila ng umiiral ang Suspension of Military Operations (SOMO) o ceasefire ay nasilat ng tropa ng militar ang pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na insidente nitong unang araw ng Bagong Taon sa Brgy. Scout Fuentebella, Camarines Sur.

Sinabi ni AFP-Southern Luzon Command (SOLCOM) Spokesman Major Angelo Guzman nilabag ng NPA rebels ang tigil putukan sa nasabing pag-atake.

Batay sa ulat ni Army’s 83rd Infantry Battalion (IB) Commander Lt. Col. Zacarias Batalla, hinarass matapos paulanan ng bala ng tinatayang nasa sampung armadong rebelde ang walong sundalo na kaniyang mga tauhan at anim na miyembro ng CAA (Cafgu Active Auxiliary) sa nasabing lugar na nauwi sa 20 minutong bakbakan ng magkabilang panig.

Narekober sa encounter site ang isang M14 rifle, isang AK 47 rifle , 12 backpack, 2 hand grenade, bandoleers at 18 magazine na naglalaman ng mga bala.

Ang SOMO na idineklara ng pamahalaan ay inoobserbahan  ng magkabilang panig  na nag-umpisa dakong alas-12:01 noong Disyembre 23, 2015 at tatagal hanggang alas-11:59 ng gabi sa Enero 3, 2016.

 

Show comments