MANILA, Philippines - Pinabulagta ang isang opisyal ng pulisya makaraang barilin ng sniper habang nagsusuperbisa sa checkpoint sa kahabaan ng highway sa Sitio Pinagbadilan, Barangay Buga sa bayan ng Libon, Albay kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Marlo Meneses, director ng Albay PNP, kinilala ang opisyal na si P/Senior Inspector Joerem Kallos, deputy chief of police sa nasabing bayan.
Lumitaw sa imbestigasyon na abala si Kallos sa pagmamando sa checkpoint bilang suporta sa manhunt operation sa isinilbing warrant of arrest laban sa wanted na ex-Army personnel na si Gilbert Concepcion nang barilin ng sniper kung saan nasapul ito sa likurang bahagi ng katawan.
Si Concepcion na kabilang sa most wanted sa Kabikulan at lider ng gun-for-hire gang ay pangunahing suspek na pumaslang sa ex-engineer ng Makati City na si Nelson Morales may ilang taon na ang nakalipas sa bayan ng Malinao.
Si Kallos at ang team nito kasama ang mga tauhan ng Albay Police Public Safety Command at Regional Public Safety Battalion sa pamumuno ni P/Chief Inspector Rodel Pescuela ay magsisilbi ng warrant of arrest laban kay Concepcion ng maganap ang insidente.
Nabigo naman ang team ng pulisya na maaresto ang lider ng gang matapos silang salubungin ng pagpapaputok ng grupo hanggang sa makatakas ang mga ito.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan sa Ligao City ang biktima pero idineklarang patay.