MANILA, Philippines – Kalaboso ang 20-anyos na kawani ng telephone company matapos itong arestuhin ng pulisya dahil sa mga baril, bala at shabu sa inilatag na operasyon sa Barangay 187 sa Pasay City kamakalawa ng hapon.
Nakatakdang kasuhan ang suspek na si Maricar Elisan ng Block 21, Lot 22 sa Bo. Pilipino, Barangay 187 sa nasabing lungsod.
Sa police report na natanggap ni P/Senior Supt. Joel B. Doria, hepe ng Pasay City PNP, nadakip ang suspek sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Raquelyn Abary-Vasquez ng Pasay City Regional Trial Court.
Nasamsam sa suspek ang cal. 38 revolver, 23 bala ng iba’t ibang baril, cal. 32 pistol, 1 unit cal. 32 magazine, 1 cal. 38 holster at 1-plastic sachet ng shabu.
Tinutugis naman ng pulisya ang kaanak nito na si Enrico Elisan na sinasabing kasabwat sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).