Treasurer’s office ng DSWD, niransak

MANILA, Philippines – Niransak ng mga kawatan ang treasurer’s office ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare Office sa Barangay Poblacion, bayan ng Jose Dalman, Zamboanga del Norte kamakalawa.

Sa ulat ng PNP regional office 9 na isinumite sa Camp Crame, ang insidente ay ini-report sa pulisya dakong alauna ng hapon kamakalawa ni Amparo Dullente, 52, municipal treasurer ng DSWD sa nasabing bayan.

Nagawang pasukin ng mga kawatan ang nasabing tanggapan matapos na wasakin ang padlock ng DSWD office saka winasak ang safety vault.

Ayon kay Dullente, walang natangay na pera dahil naideposito na nila sa bangko ang pera bago pa man mag-Pasko.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad upang masakote ang mga kawatan.

Show comments