MANILA, Philippines – Naglunsad ng website ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) upang sila ay matulungan para maituro ang mga umano’y yamang ninakaw ng mga Marcos kabilang ang nasa 200 obrang likha ng mga bantog na pintor na pag-aari ni dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez Marcos.
Sinabi ni PCGG Commissioner Andrew de Castro na ang kaniyang opisina ay umaasa na magkaroon ng tipster para sila ay impormahan kung saan nakatago ang mga sikat na obra ng mga kilalang pintor.
Matagal na panahon ng pinaghahanap ng PCGG ang mga mamahaling obra kabilang na ang mga likha nina Van Gogh, Picasso, Monet, Rembrant at Michelangelo na pinaniniwalaang nabili ni Rep. Romualdez gamit umano ang salapi ng bayan noong panahon ng diktador niyang asawa na si yumaong President Ferdinand Marcos.
Ang mag-asawang Marcos ay mga magulang ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kumakandidato bilang bise presidente ni Sen. Miriam Defensor Santiago sa 2016 elections, na sa kaniyang plataporma ay kaniyang sinasabi na wala siyang dapat ihingi ng tawad hinggil sa authoritarian rule ng kaniyang yumaong ama mula 1972 hanggang 1986.
Natukoy na ng PCGG ang daan-daang obrang nawawala dahil ang tanging naiwan lamang ay ang mga resibo at kwadro ng mga naturang art works sa lugar kung saan sila naitago, gaya ng sa Malacañang at sa isang apartment sa New York na pagmamay-ari ng mga Marcos.