MANILA, Philippines – Apat-katao ang sinalubong ni kamatayan matapos magkarambola ang tatlong sasakyan sa kahabaan ng highway sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar noong Sabado ng hapon.
Sa ulat ng Eastern Samar PNP na nakarating sa Camp Crame, isa sa mga namatay ay si Renato Brieva, 52, tricycle driver, ng Maydolong, Eastern Samar.
Tatlong pasahero ng traysikel na hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan ang naisugod sa Alvino Duran Memorial Hospital subalit idineklarang patay.
Lumilitaw sa police report, naganap ang madugong trahedya sa Maharlika Highway sa Sitio Kamaktas, Barangay San Miguel bandang alauna y medya ng hapon.
Nabatid na biglang lumihis at pumasok sa kabilang linya ng highway ang Toyota Avanza na minamaneho ni Jelson Quebec ng Tacloban City kaya nasalpok ang dalawang traysikel kung saan isa sa mga ito ang minamaneho ni Brieva.
Hindi naman binanggit sa police report kung may namatay sa Avanza habang patuloy naman ang imbestigasyon.