MANILA, Philippines – Maaari nang masimulan sa susunod na taon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang “nationwide coral restoration program” matapos aprubahan ng Kongreso ang pondo para rito.
Si Senator Loren Legarda, chair ng Senate Committee on Finance, ang nagsulong na magkaroon ng pondo ang National Coral Restoration Program dahil dapat aniyang maging prayoridad ng gobyerno ang pangangalaga sa 240 milyong ektaryang ng marine area sa bansa na isang archipelago nation.
Nakapaloob sa pambansang pondo para sa 2016 ang P500 milyon para sa coral restoration program.
Sinabi ni Legarda na mahalagang maayos ang kondisyon ng mga coral reefs dahil ito ang “food basket ng mga isda at kung masisira ang mga ito ay mababawasan ang populasyon ng mga isda.
Isa aniyang problema sa ngayon ang “coral bleaching” na nangyayari kapag nagkakaroon ng pag-init sa ilalim ng dagat kung saan naaapektuhan ang mga corals.