MANILA, Philippines – Agad na lumabag ang New People’s Army (NPA) sa unang araw pa lamang ng idineklarang 12 araw na unilateral ceasefire matapos na paulanan ng bala ang tropa ng militar sa Brgy. Bitaugan, San Miguel, Surigao del Sur kahapon ng umaga.
Kinondena ng Army’s 4th Infantry Division (ID) ang insidente nang paglabag ng CPP-NPA sa sarili nitong bersyon ng ceasefire na nag-umpisa nitong Disyembre 23 ng madaling araw na tatagal hanggang Enero 3, 2016.
Batay sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga nang paulanan ng bala ng NPA rebels ang tropa ng Army’s 2nd Special Forces Battalion na nakabase sa Brgy. Bitaugan, San Miguel ng lalawigang ito.
Nabatid na nasa naturang lugar ang mga sundalo upang tulungan ang mga Local Government Units (LGUs) na maipaabot ang tulong pangkaunlaran sa mga mamamayan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng opisyal na tatalima at irerespeto nila ang 12 araw na tigil putukan na idineklara ng pamahalaan.