2 lolo nalitson sa sunog

MANILA, Philippines – Dalawang matandang lalaki ang nalitson ng buhay makaraang makulong sa loob ng nasusunog nilang bahay kamakalawa ng gabi sa Brgy. Talon-Talon, Zamboanga City.

Halos hindi na makilala ang mga nasawi na sina Jesus Madraga, 80; at Miguel Bacacho, 70 dahil sa grabeng pagkasunog ng mga katawan.

Batay sa ulat ni Supt. Dominador Zabala Jr., City Fire Marshal ng Zamboanga City, naitala ang insidente sa nasabing lugar bandang alas-11:00 ng gabi nang magsi­mula ang sunog sa bahay ni Madraga sa Torres Subdivision at posibleng sa katandaan ay hindi na nakuha ng dalawang biktima na makalabas ng bahay dahil sa mabilis na paglaki ng apoy.

Nadamay din ang mga katabi nitong kabahayan at umabot ng 2nd alarm at naapula dakong alas-2:00 ng madaling araw kahapon.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog  at magkano ang kabuuang pinsala.

Show comments