MANILA, Philippines – Hindi na nahirapan ang mga otoridad na hanapin ang isang sindikato ng nagbebenta ng illegal na baril dahil malapit lang ito sa himpilan ng Philippine National Police sa Camp Crame kaya’t nang ay salakayin ay naaresto ang apat na miyembro at nasamsam ang 27 uri ng armas kamakalawa ng gabi.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Carlo Estoya, 41; Eduardo Obra, 57; Ryan Quimanhan at Benky Payla.
Nasamsam ang sangkaterbang baril na kinabibilangan ng isang M-16 armalite assault rifle; 5 shotgun; 1 caliber 45 pistol, 20 caliber. 38 revolver, 4 two-way handheld radio, mga bala ng iba’t ibang uri ng baril, anim na cellular phones at iba pa.
Batay sa ulat, itinatago ang lugar bilang isang lehitimong wholesaler na packaging materials na Tin Wo Rock Enterprises at natimbog lang ng mga otoridad ang operasyon ng sindikato matapos makatanggap ng isang tip na nagbebenta ng caliber 45 pistol sa P40,000.
Nagsagawa ng isang buy bust operation ang mga otoridad at laking gulat dahil napakalapit lang nito sa PNP Headquarters.
Lumalabas sa imbestigasyon ng QC police na 10 taon nang nag-ooperate sa pagbebenta ng mga baril at bala ang sindikato na nakakakuha pa ng lahat ng business requirements para sa isang lehitimong negosyo.